MANILA, Philippines - Walang ipinangakong knockout si Filipino world two-division champion Donnie ‘Ahas’ Nietes sa kanilang suntukan ni Mexican challenger Felipe Salguero sa Hunyo 2 sa Resorts World Hotel and Casino sa Pasay City.
Ito ang sinabi kahapon ni Nietes, magdedepensa ng kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) light flyweight crown laban kay Salguero, sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
“Hindi ako nag-e-expect na mana-knockout ko siya. Darating na lang ang pagkakataon na ‘yan sa laban namin,” wika ng 30-anyos na si Nietes sa kanilang salpukan ni Salguero.
Itataya ni Nietes ang kanyang WBO belt sa unang pagkakataon matapos umiskor ng isang unanimous decision win kontra kay Ramon Garcia Hirales ng Mexico noong Oktubre 8, 2011 sa University of St. La Salle (USLS) Coliseum sa Bacolod City.
Hawak ng tubong Murcia, Negros Occidental ang kanyang 29-1-3 win-loss-draw ring record kasama ang 16KOs, habang dala ni Salguero ang kanyang 16-2-1 (11 KOs) card.
Huling natalo si Nietes noong Setyembre 28, 2004 matapos ang isang split decision loss laban kay Angky Angkota.
Si Salguero naman ay kasalukuyang No. 7 sa listahan ng WBO light flyweight division at sumasakay sa isang 14-fight winning run makaraang mabigo sa una niyang dalawang laban.