MANILA, Philippines - Hindi lamang ang mga imports ang dapat paghandaan ng Indonesia Warriors kundi pati ang mga locals ng AirAsia Philippine Patriots sa gagawing tagisan sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) semifinals na magbubukas sa Linggo sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Balik na sa magandang pangangatawan si Anthony Johnson habang ang ka-partner niyang si Nakiea Miller ay naka-focus na sa best-of-three series laban sa dating koponan.
Pero hindi lamang ang dalawa ang kakamada dahil ang ibang locals ay handa na ring pumutok base sa ipinakita ng mga ito sa huling dalawang dikit na panalo para tapusin ang tropang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco ang eliminasyon bitbit ang 16-5 karta.
Ang mga tulad nina ex-PBA players Marcy Arellano at Jonathan Fernandez ay inaasahang ilalabas ang laro na posibleng magbalik sa kanila sa pro league habang ang ibang manlalaro sa pangunguna ni Gilas veteran Aldrech Ramos ay magnanais na makatikim ng kampeonato.
“Our locals have their own reasons why they want to play in the finals. They want to prove something, so that’s a good sign,” wika ni team manager Erick Arejola.
Puspusan sa paghahanda ang Patriots at ayon naman kay assistant coach Louie Gonzales ay may nakita na silang mga bagay na gagawin para pigilan ang mga kamador ng Warriors na sina Steve Thomas, Evan Brooke at Fil-Am guard Stanley Pringle.
Matapos ang Game One, lilipat ang aksyon sa Indonesia sa susunod na Linggo. Kung kakailanganin, ang deciding game 3 ay babalik sa Ynares.