Mexican Boxer Knockout Kay Cuello
MANILA, Philippines - Imbes na sa sixth o seventh round ay sa second round lamang tinapos ni Denver Cuello ang kanilang suntukan ni Ganigan Lopez ng Mexico kahapon sa Antiguo Palenque de la Feria, Celaya sa Guanajuato, Mexico.
Sa pagbubukas pa lamang ng first round ay nirapido na ni Cuello si Lopez kung saan napaluhod ang Mexican mula sa kanyang right uppercut at left uppercut.
Bagamat nakaligtas sa first round, hindi na nag-aksaya ng panahon si Cuello sa second round matapos makakonekta ng isang left uppercut sa panga ng Mexican na muli nitong ikinatumba.
Hindi na nakabangon si Lopez sa pagbibilang ni referee Frank Garza para wakasan ang laban sa 2:37 ng second round.
Ang 59-anyos na si Garza ang naging referee sa 10th round technical decision win ni Timothy Bradley, Jr. kontra kay Devon Alexander para sa WBC/WBO lightwelterweight title fight noong 2011.
Ang nasabing panalo ang nagbigay sa 25-anyos na si Cuello ng pagkakataong makalaban para sa World Boxing Council (WBC) minimumweight championship.
Sasagupain ng tubong Iloilo ang mananalo sa unification fight nina WBC titleholder Kazuto Ioka at World Boxing Association (WBA) champion Akira Yaegashi sa Hunyo 20 sa Osaka, Japan.
Tangan ngayon ni Cuello, matagumpay na naidepensa ang kanyang suot na WBC Silver minimumweight title laban kay Lopez at nakamit ang WBC interim belt, ang 31-4-6 win-loss-draw ring record kasama ang 21 KOs.
- Latest
- Trending