Aces bokya sa Elasto Painters
MANILA, Philippines - Bagamat nakahabol sa third period ang Aces, hindi naman bumigay ang Elasto Painters patungo sa kanilang panalo sa pagsisimula ng 2012 PBA Governors Cup.
Nakabalik sa kanilang porma sa dulo ng third quarter, pinadapa ng Rain or Shine ang Alaska, 107-100, kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Kaagad na itinala ng Elasto Painters ang 27-11 kalamangan sa 2:58 ng first period mula sa fastbreak basket ni Ryan Araña hanggang palobohin ito sa 23 puntos, 48-25, sa 4:34 ng second quarter buhat sa dalawang freethrows ni 6-foot-5 import Jamelle Cornley galing sa foul ni Gabby Espinas.
Tumapos ang 25-anyos na si Cornley na may 13 points at 7 rebounds sa first half para sa koponan ni coach Yeng Guiao.
Buhat sa 53-35 bentahe ng Rain or Shine sa halftime, isang 22-9 atake ang inilunsad nina balik-import Jason Forte, Cyrus Baguio, Sonny Thoss at LA Tenorio upang ilapit ang Alaska, ginagabayan ni Luigi Trillo ngayon matapos sibakin si Joel Banal, sa 57-62 agwat sa 4:37 ng third period.
Huling nakadikit ang Aces sa 60-64 matapos ang split ni Baguio sa 3:36 ng nasabing yugto kasunod ang pagpapakawala ng Elasto Painters ng isang 18-3 bomba upang makalayo sa 82-63 sa 11:19 ng final canto.
Tumapos si Cornley ng 27 points kasunod ang 20 ni Jeff Chan, 17 ni Paul Lee at 11 ni Araña.
Umiskor naman si Forte ng 25 markers para pangunahan ang Alaska.
Rain or Shine 107 - Cornely 27, Chan 20, Lee 17, Araña 11, Quiñahan 7, Belga 6, Buenafe 6, Cruz 5, Norwood 3, Ibañes 3, Tang 2, Matias 0.
Alaska 100 - Forte 25, Baguio 19, Tenorio 16, Thoss 15, Baracael 13, Espinas 6, Custodio 4, Gonzales 2, Eman 0, Salamat 0.
Quarterscores: 32-17; 53-35; 78-63; 107-100.
- Latest
- Trending