MANILA, Philippines - Kung mananalo si Manny Pacquiao kay Timothy Bradley, Jr. sa Hunyo 9 ay tiyak na ang kanilang mega-fight ni Floyd Mayweather, Jr.
Ito ang tiniyak ni Bob Arum ng Top Rank Promotions kaugnay sa salpukang Pacquiao-Mayweather na tatlong beses nabalam bunga ng isinulong na isyu ng American fighter mula sa kanilang pagsailalim sa isang Olympic-style random drug at urine testing hanggang sa hatian sa prize money.
Ayon kay Arum, ang lahat ng ito ay inaasahan niyang mapaplantsa para maitakda ang naturang super showdown.
“Well from my stand point and from Manny’s, assuming he beats Bradley,” wika ni Arum sa Pacquiao-Mayweather fight na siyang pinakahihintay na mangyari ng mga boxing fans sa buong mundo.
Ayon kay Arum, hindi na isyu ang drug testing para sa banggaan ng 33-anyos na si Pacquiao at ng 35-anyos na si Mayweather.
Noong Pebrero ay personal na tinawagan ni Floyd si Manny para plantsahin ang kanilang suntukan.
Pumayag ang Filipino world eight-division champion sa isang 50-50 purse split bago umatras sa panukala ni Mayweather kung saan hindi makakakuha si Pacquiao ng bahagi sa benta ng kanilang pay-per-view sales.
“If Floyd now wants more than half, let him earn it. Why not 45/45 and the winner get the other 10 percent? It would certainly create even more interest in a fight that would get tremendous interest,” ang solusyon ni Arum.
Nakatakdang idepensa ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Bradley sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.