MANILA, Philippines - May pagkakataon ang mga beterano at bagitong bowlers na makalahok sa World Cup International finals sa Wroclaw, Poland sa kanilang pagsali sa national competition na magsisimula sa Lunes sa 13 venues.
Dalawang qualifying periods ang dapat sabakan ng mga bowlers kung saan ang top 82 female at male bowlers ay aabante sa national finals sa Setyembre 15-16 sa Coronado Lanes, sa Setyembre 18-19 sa Paeng’s Midtown Bowl at sa Setyembre 21 sa SM Bowling North EDSA.
Ang nasabing tatlong bowling centers ang magsisilbing mga qualifying round venues.
Ang iba pa ay ang Astrobowl, Superbowl, Commonwealth, Paeng’s Freedom Bowl Imus, Q. Plaza, Paeng’s Eastwood Bowl, SM Fairview, SM Mall of Asia, Puyat Sports Baguio at Paeng’s Skybowl.
Ang national champions (men at women) ang kakatawan sa bansa para sa 48th Bowling World Cup international finals sa Nobyembre 24 hanggang Disyembre 2 sa Sky Bowling Centre sa Wroclaw, Poland.
Ang first runner-up ay tatanggap ng P30,000 gift check (men) at P25,000 gift check (women) at tropeo, habang ang mga third-placers ay bibigyan ng P20,000 at P15,000 at tropeo.
Sina dating world champion Biboy Rivera at Liza del Rosario ang kumatawan sa bansa sa nakaraang international finals sa Toulouse, France.