Lady Bulldogs nakasilip ng tsansa
MANILA, Philippines - Dinomina ni Dindin Santiago ang net game upang pangunahan ang National University na kunin ang 29-27, 25-20, 25-23 straight sets panalo laban sa Adamson University at manatiling buhay ang paghahabol na makalaro sa semifinals sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart noong Huwebes ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Kumawala ng 26 kills si Santiago para katampukan ang pangingibabaw sa net.
May 2 blocks din ang 6’1 na si Santiago na tinapos ang labanan taglay ang 29 puntos, habang sina Myla Pablo, Maricar Nepomuceno at Carmina Aganon ay nagsanib sa 27 hits at ang Lady Bulldogs ay nakatikim din ng panalo matapos ang apat na sunod na kabiguan sa palarong inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
May 17 hits si Nerissa Bautista habang 10 ang ibinigay ni Pau Soriano para sa Lady Falcons na tuluyang namaalam sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
- Latest
- Trending