MANILA, Philippines - Lumabas ang masidhing hangarin ni Josie Gabuco na maging isang world champion nang kanyang talunin si Svetlana Gnevanova ng Russia, 12-7, sa semifinals sa light flyweight division sa 2012 AIBA World Women’s Boxing Championships kahapon sa Qinhuangdao, China.
Sa unang pagkakataon sa torneong kinatatampukan ng 305 pinakamahuhusay na women’s boxers mula sa 70 bansa ay nakita ng 25-anyos na si Gabuco na napag-iwanan siya matapos ang first round ng katunggali, 0-2.
Pero sa halip na manlumo ay naging hamon ito para sa boksingerang natalo sa tagisan upang maging panlaban sa flyweight sa isang London Olympic qualifying weight class, upang dominahin ang huling tatlong rounds.
Sa ikalawang round gumana ang mga kamao ni Gabuco para sa 4-2 iskor at magkatabla sila ni Gnevanova.
Bitbit na ang kumpiyansa, tuluyang hiniya ni Gabuco ang katunggali sa sumunod na dalawang rounds gamit ang 4-1 at 4-2 iskor para marating ang Finals.
Makakasukatan ni Gabuco na hinigitan na ang bronze medal na napanalunan noong 2008 World Championships, si Shiqi Xu ng China para sa gold medal.
Si Xu na ang sandata ay ang bilis ng mga kamao ay nanalo laban kay Nazym Kyzaybay ng Kazakhstan sa 17-10 iskor.