Nietes itataya ang korona vs Mexican boxer
MANILA, Philippines - Itataya ni Donnie “Ahas” Nietes ang hawak na WBO light flyweight title laban kay Felipe Salguero ng Mexico sa Resorts World Manila sa Hunyo 2.
Ito ang unang pagdepensa ni Nietes sa titulo matapos agawin ito sa dating Mexican champion Ramon Garcia Hirales noong Oktubre 8 sa La Salle Bacolod via unanimous decision.
May 29 panalo sa 33 laban, kasama ang 16 KO, ang 30-anyos na si Nietes ay nagsanay sa loob ng dalawang buwan at tutungo na sa Manila sa Sabado upang dito tapusin ang paghahanda.
Hindi nagpapabaya ang dating WBO minimumweight champion dahil si Salguero ang kasalukuyang WBF champion sa 108-pound division.
Matapos matalo sa unang dalawang pro fights, si Salguero ay nanalo ng 16 na sunod, at 11 rito ay hindi tumapos sa laban.
Papasok ang challenger mula sa fifth round KO panalo laban kay Carlos Melo noong Enero 28 at siya ay ranked 12th sa WBO at pampito sa IBF.
Si Nietes ang ikalawang world champion ng Pilipinas na magdedepensa ng titulo sa bansa kasunod ni Brian Viloria na hiniritan ng 9th round TKO panalo si Omar Niño Romero ng Mexico para mapanatiling hawak ang WBO flyweight title.
- Latest
- Trending