MANILA, Philippines - Sumalo uli ang Big Chill sa ikalawang puwesto nang kanilang gutay-gutayin ang Erase Plantcenta, 106-69, sa pagpapatuloy kahapon ng PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Anim na manlalaro ni coach Robert Sison ang may doble pigurang iskor para katampukan ang kanilang dominasyon tungo sa pagsalo sa Cebuana Lhuillier sa mahalagang ikalawang puwesto sa 6-2 baraha.
Nagpasabog ng 31 puntos ang Super Chargers sa ikalawang yugto upang bigyan ang sarili ng 49-29 halftime lead at mula rito ay hindi na nila nilingon pa ang Erasers na bumagsak sa 3-5 baraha.
“Hindi naapektuhan ang mga players ng dalawang linggong pamamahinga dahil gutom sila sa laro,” wika ni Sison.
Kailangan na lamang ng koponan na maipanalo ang huling laro sa eliminasyon para masamahan ang NLEX sa semifinals.
Sakaling magtabla ang Super Chargers at Gems sa pagtatapos ng elims, ang una ang aabante dahil sa naitalang 68-52 panalo sa kanilang tagisan.
Diniskaril naman ng Boracay Rum ang plano ng Café France na patatagin ang paghahabol sa huling puwesto sa quarterfinals nang kunin ang 77-75 panalo sa unang laro.
Naipasok ni Jaymo Eguilos ang mahalagang buslo may limang segundo sa orasan para pawiin ng Waves ang pagkawala ng 10 puntos kalamangan (75-65), upang magkaroon ngayon ng 3-way tie sa pagitan ng Erasers, Waves at Bakers sa ikaanim hanggang walong puwesto.
Mangangailangan ang tatlong koponan na maipanalo ang kanilang mga huling laro para magkaroon pa ng tsansang makaiwas na masama sa apat na koponan na magbabakasyon na sa liga.