MANILA, Philippines - Nailabas ng University of St. La Salle-Bacolod ang pinakamabangis na porma upang talunin ang FEU, 25-11, 25-22, 25-15, at manatiling buhay ang paghahabol para sa puwesto sa semifinals sa idinaos na 9th Shakey’s V-League quarterfinals na handog ng Smart kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Balanseng atake ang ginawa ng Lady Stingers habang pinaghandaan ng depensa ang Thai import ng Lady Tamaraws na si Eve Sanorseang para iangat ang karta sa 2-4.
Si Sheryl Denila ay mayroong 14 hits, si Royce Quijano ay may 12 habang sina Jovelyn Gonzaga, Gianes Dolar at Patty Orendain ay may 11, 11 at 10 hits upang patuloy na lumaban pa para makaabante sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Sina Denila at Quijano ay nagsanib pa sa 22 kills at ang Lady Stingers ay may 46-25 bentahe sa spikes para sa kanilang panalo.
Nakatulong para makapagdomina sa net ang La Salle Bacolod ay dahil sa pagkakalimita ni Sanorseang sa pitong attacks lamang tungo sa mahinang 8 puntos.
Kailangan ngayon ng Lady Stingers na manalo sa NCAA champion Perpetual Help sa Linggo at manalangin na hindi lumampas sa tatlong panalo ang Lady Atlas at San Sebastian.
Sa ikalawang laro, lumawig sa anim na sunod ang winning streak ng nagdedepensang kampeon na Ateneo nang kunin ang 25-11, 23-25, 25-17, 25-19 panalo laban sa Lady Stags.
Nalaglag ang San Sebastian sa 2-2 karta.