MANILA, Philippines - Saluhan uli ang pahingang Cebuana Lhuillier sa mahalagang ikalawang puwesto ang target ng nagbabalik na Big Chill sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa Ynares Sports Arena.
Mula sa dalawang linggong pamamahinga ng Super Chargers, sisikapin nilang ipakita na hindi nawala ang matalas nilang paglalaro sa pagbangga sa Erase Plantcenta sa tampok na laro dakong alas-4.
Unang magbabanggaan ang Café France at Boracay Rum sa ganap na alas-2 ng hapon at hanap ng Bakers na manaig para manatiling matibay ang paghahabol sa puwesto sa quarterfinals.
Ang nagdedepensang NLEX ay nakatiyak na ng puwesto sa semis sa 8-0 karta pero bukas pa ang ikalawang puwesto na mainitang pinaglalabanan ng Gems at Super Chargers.
May 6-2 karta ang Gems at lamang sila ng isang laro sa Super Chargers na may dalawa pang laro. Kung magkatabla ang dalawang koponan matapos ang siyam na laro sa single round eliminations ay aabante pa ang tropa ni coach Robert Sison sa semis dahil sa inangking 68-52 panalo sa pagkikita sa elims.
Kung ang laban sa semis ang puntirya ng Super Chargers, makalaro sa quarterfinals naman ang magpapainit sa bagitong koponan na Erasers.
Katabla ng Erasers ang Café France sa mahalagang ikaanim na puwesto sa 3-4 kaya’t hindi magpapabaya ang dalawang koponan na matalo.