UST Salingawi Troupe humablot ng 2 gold
MANILA, Philippines - Dalawang ginto at isang pilak ang ibinulsa ng UST upang dominahin ang Cheerleading competition sa gymnastics na siyang nagbukas ng 2nd POC-PSC Philippine National Games noong Martes sa Rizal Memorial Coliseum.
Sa pamamagitan ng kanilang ipinagmamalaking Salingawi Troupe, ang UST ay nanalo sa cheerdance at All Female Stunts bago nakontento sa ikalawang puwesto sa Mixed Group Stunts para lumabas na delegasyon na may pinakamagandang tinapos sa kompetisyong inorganisa ng Cheerleading Philippines na may basbas ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) at suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
Dinaluhan nina PSC commissioner Akiko Thomson-Guevarra kasama sina POC treasurer Julian Camacho at GAP president Cynthia Carrion, hindi napahiya ang Salingawi Troupe nang kunin ang unang puwesto sa cheerdance sa nakuhang 394.5 puntos at All Female Group Stunts sa 96 puntos.
Lumaban pa ang koponan sa Mixed Group Stunts ngunit hinirang na kampeon dito ang Arellano University sa 115 puntos mas mataas ng limang puntos sa España- based University (110).
Ang iba pang pinalad na nanalo ng ginto ay ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) at Holy Trinity College ng General Santos City.
Nangibabaw ang PUP sa Partner Stunts sa 103.5 puntos habang ang Holy Trinity College ay nanaig sa Cheerleading title sa 200 puntos.
Ang tagisan sa men’s at women’s artistic gymnastics ay ginawa kahapon hanggang ngayon habang ang rhythmic gymnastics ay paglalabanan bukas at sa Sabado gagawin ang labanan sa aerobics.
- Latest
- Trending