MANILA, Philippines - Hindi alintana ng Philippine Patriots ang 79-104 pagkatalo sa Indonesia Warriors sa huling laro sa triple round elimination at kumbinsidong mananalo sila sa magaganap na best-of-three series sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) semifinals.
Sa pagdalo ni Patriots assistant coach Louie Gonzales kasama si San Miguel Beermen head coach Bobby Ray Parks Sr. sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon, sinabi nito na nangyari ang pagkatalo sa panahong nagkaproblema ang koponan sa kanilang import.
Si Anthony Johnson lamang ang naging reinforcement ng koponan sa larong ito dahil sa biglaang pag-uwi ni Chris Alexander na siya sanang ipapalit kay Nakiea Miller.
“We only had one import then. But with the return of Miller, I think we will have a good chance in this series,” wika ni Gonzales na humalili kay coach Glenn Capacio.
Tatlong beses na nagkrus sa eliminasyon ang dalawang koponan at nanaig ang Patriots sa naunang dalawang tagisan gamit sina Miller at Johnson.
Ang isang serye ay katatampukan ng top team na San Miguel Beermen laban sa pumang-apat na Westports Malaysia Dragons at angat ang huli sa una sa tatlong pagkikita sa 2-1 iskor.
Tulad ni Gonzales, tiwala si Parks na maisasantabi nila ang malakas na hamon ng Dragons na sinasandalan ang husay ng mga imports na sina Brian Williams at Tiras Wade.
“In our first two games, we played with different imports. Our game plan is to limit the outputs of their imports. They have good imports who scores a lot and we can’t stop them, but we can limit them,” wika ni Parks.
Susi para makuha ang serye wika nina Gonzales at Parks ay ang maipanalo ang Game One dahil maigsing serye lamang ang semifinals.
Ang Beermen at Dragons ang unang sasalang sa Mayo 26 pero naghahanap pa ng venue ang una dahil gagamitin sa sabong ang Ynares sa petsang ito.
Kinabukasan ay ang laro sa pagitan ng Patriots at Warriors sa Pasig.
Ang Game Two ay lilipat sa Malaysia at Indonesia habang ang deciding Game Three ay babalik sa Pilipinas.