Lady Stingers may pag-asa pa
MANILA, Philippines - Hindi pinakawalan ng University of La Salle-Bacolod ang momentum na nakuha nang manalo sa fourth set tungo sa 25-12, 21-25, 20-25, 25-23, 15-2 panalo laban sa National University para manatiling buhay ang paghahabol sa puwesto sa quarterfinals sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Namuro na ang Lady Bulldogs sa panalo nang hawakan ang 19-18 kalamangan sa fourth set pero tinapos ng Lady Stingers ang laban gamit ang 7-4 palitan na kinatampukan ng spike mula kay Patty Orendain upang itabla sa 2-2 ang best-of-five tie.
Mula rito ay tumibay na ang laro ng La Salle Bacolod at si Orendain ay nagpakawala ng siyam na hits kasama ang tatlong service aces habang ang depensa ay naglimita sa Lady Bulldogs sa dalawang hits tungo sa paghablot ng unang panalo matapos ang limang laro.
Ang panalo ay nagbigay buhay pa sa laban para mapasama sa top four sa quarterfinals at kailangang maipanalo pa ang dalawang laro at umasang ang NCAA champion Perpetual at San Sebastian ay hindi lumampas ng tatlong panalo.
Pero sa mahalagang fifth set ay nilamon ng depensa si Santiago na nagkaroon ng tatlong errors para malaglag sa 0-4 baraha sa torneong inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
- Latest
- Trending