Gold kay Torres sa Asian Gran Prix

MANILA, Philippines - Inilabas ni Marestella Torres ang pormang nagla­lagay sa kanya bilang number two sa women’s long jump sa Asia nang kunin ang gintong medalya sa ikatlo at huling yugto sa 2012 Asian Gran Prix sa Chonburi Campus Stadium, Chonburi, Thailand no­ong Lunes.

Umani ng bronze me­dal sa first leg (6.37m) at hindi tumimbang sa second leg (6.42m), ang 31-anyos na si Torres ay nakagawa ng 6.62m para manalo ng gintong medalya.

Ang marka na ito ay ki­napos ng dalawang senti­metro para pantayan ang naitalang pinakamalayong lundag sa torneo na 6.64 metro na naitala ni Lu Minjia ng China nang kunin ang ginto sa second leg.

Si Lu ay nalagay lamang sa ikalimang pu­west­o sa 6.28m.

Pumangalawa kay Torres na number two ranked sa Asia sa 6.71 metro na ginawa sa 26th SEA Games at kinapos ng isang sentimetro upang tapatan ang best leap na 6.72m ni Yuliya Tarasova ng Uzbekistan, si Johny Mayookha ng India (6.50m) habang ang bronze medal ay naiuwi ni Maria Natalia Londa ng Indonesia (6.42m).

Humataw din si Henry Dagmil sa men’s long jump sa 7.55 meters lundag tu­ngo sa pilak para pawiin ang dalawang sunod na pang-apat na puwestong pagtatapos.

Show comments