Gold kay Torres sa Asian Gran Prix
MANILA, Philippines - Inilabas ni Marestella Torres ang pormang naglalagay sa kanya bilang number two sa women’s long jump sa Asia nang kunin ang gintong medalya sa ikatlo at huling yugto sa 2012 Asian Gran Prix sa Chonburi Campus Stadium, Chonburi, Thailand noong Lunes.
Umani ng bronze medal sa first leg (6.37m) at hindi tumimbang sa second leg (6.42m), ang 31-anyos na si Torres ay nakagawa ng 6.62m para manalo ng gintong medalya.
Ang marka na ito ay kinapos ng dalawang sentimetro para pantayan ang naitalang pinakamalayong lundag sa torneo na 6.64 metro na naitala ni Lu Minjia ng China nang kunin ang ginto sa second leg.
Si Lu ay nalagay lamang sa ikalimang puwesto sa 6.28m.
Pumangalawa kay Torres na number two ranked sa Asia sa 6.71 metro na ginawa sa 26th SEA Games at kinapos ng isang sentimetro upang tapatan ang best leap na 6.72m ni Yuliya Tarasova ng Uzbekistan, si Johny Mayookha ng India (6.50m) habang ang bronze medal ay naiuwi ni Maria Natalia Londa ng Indonesia (6.42m).
Humataw din si Henry Dagmil sa men’s long jump sa 7.55 meters lundag tungo sa pilak para pawiin ang dalawang sunod na pang-apat na puwestong pagtatapos.
- Latest
- Trending