MANILA, Philippines - Kasabay ng pag-asinta ng puwesto sa semifinals ng nagdedepensang kampeon na Ateneo ay ang paghahabol ng panalo ng tatlong iba pang koponan upang makaiwas sa maagang bakasyon sa pagpapatuloy ngayon ng 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart at gagawin sa The Arena sa San Juan City.
Kalaban ng Lady Eagles ang Adamson sa ikalawang laro na magsisimula matapos ang tagisan ng University of St. La Salle at National University sa ganap na alas-2 ng hapon.
May 4-0 karta ang Lady Eagles matapos ang 3-0 panalo sa Lady Stingers upang makasalo ang UST sa unang puwesto.
Ang magbabalik na Lady Tigresses ay nanaig sa apat na sets kontra sa FEU na nangyari noong Linggo.
Ang tikas nina Alyssa Valdez, Fille Cainglet at Thai import Phee Nok Kesinee ay masusukat uli sa Lady Falcons na gagawin ang lahat ng makakaya para ipatikim sa Lady Eagles ang unang kabiguan sa larong inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Sa 1-3 baraha, ang Lady Falcons ay nangangailangan na maipanalo ang nalalabing tatlong laro para makahabol sa apat na koponang uusad sa Final Four.
Magiging mainitan din ang labanan sa unang laro sa pagitan ng mga wala pang panalong koponan.
May 0-4 karta ang La Salle Bacolod habang 0-3 ang National University kaya’t ang matatalo ay tuluyan ng mamamahinga sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa.
Ang mga larong ito ay mapapanood ng delayed ngayong ika-7 ng gabi sa AKTV-13 pero ang laro ay mapapanood sa live streaming gamit ang www.v-league.ph.