MANILA, Philippines - Aasinta ng mga panalo ang Blackwater Sports at RnW Pacific Pipes para makatiyak ng puwesto sa quarterfinals sa pagpapatuloy ngayon ng PBA D-League Foundation Cup sa San Juan Gym.
Parehong may 4-3 karta at magkasalo sa ikaapat at limang puwesto, ang Elite ay makikipagsuntukan sa Cagayan Rising Suns sa ganap na alas-2 ng hapon bago sumunod ang bakbakan sa pagitan ng Steel Masters at Jr. Powerade dakong alas-4.
Ang Elite at Steel Masters ay parehong papasok sa laro mula sa di magandang pagkatalo na naglagay ng dagok sa paghahabol sa awtomatikong puwesto sa semifinals.
Bumulagta ang tropa ni coach Leo Isaac nang kinaharap ang mga malalakas na koponan ng Cebuana Lhuillier (84-101) at NLEX Road Warriors (45-60) habang ang mga alipores ni coach Alfredo Jarencio ay dumapa sa Gems (86-100).
Nananalig ang mga panatiko ng Elite na manunumbalik ang sigla ng koponan dahil hindi nila maaaring biruin ang Suns na naghahabol pa rin ng unang panalo matapos ang walong laro.
Tulad ng Suns, talsik na ang Tigers sa 2-6 baraha pero lalaban pa rin ang mga ito para magkaroon ng disenteng pagtatapos ang ginawang kampanya sa liga.