MANILA, Philippines - Dumaan sa butas ng karayom ang NCAA champion Perpetual Help bago talunin ang Adamson University, 25-23, 25-22, 26-24, sa quarterfinal round ng 9th Shakey’s V-League kahapon sa The Arena sa San Juan.
Nalampasan ng Lady Altas ang power game ng Lady Falcons para tapusin ang laro sa loob ng isang oras at 14 minuto at ilista ang 3-1 baraha sa ilalim ng nagdedepensang Ateneo (5-0) at six-time titlist University of Sto. Tomas (4-0).
Nakipagsabayan si Sandra delos Santos kina Adamson stars Nene Bautista at Pau Soriano mula sa kanyang 15 kills at tumapos na may 19 hits.
Nagdagdag naman si Thai reinforcement Pornpimol Kunbang ng 13 points.
Nag-ambag si Honey Rose Tubino ng 9 hits, kasama ang isang block na siyang nagpanalo sa Lady Altas.
Sa ikalawang laro, tinalo ng Ateneo ang University of St. La Salle-Bacolod, 25-16, 25-22, 25-22.