PHL Patriots Giniba ang Slammers
MANILA, Philippines - Handa na ang mga locals ng AirAsia Philippine Patriots para tumulong sa kampanya ng koponan sa semifinals sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League.
Ito ang kanilang ipinakita nang kunin ng Patriots ang 80-74 panalo sa napatalsik na Chang Thailand Slammers noong Sabado sa Thai-Japan Association Gym sa Bangkok.
Sina Marcy Arellano, Rob Wainwright at Jonathan Fernandez ang mga tumayong bida para sa koponang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco nang manalo sila kahit may iniindang injury si Anthony Johnson at napatalsik sa huling 9:20 ng laro si Nakiea Miller.
“Ang hanap ko lamang sa mga locals ay consistency lalo na nasa playoffs na kami. Sa larong ito ay nag-step up sina Marcy at Rob. Sana ay ganito na lagi ang kanilang ilalaro,” wika ni Patriots coach Glenn Capacio na inani ang 3-0 sweep sa Slammers upang iangat ang karta sa 16-5.
May 11 puntos si Arellano at 10 rito ay ginawa niya sa first half upang bigyan ang Patriots ng 36-23 kalamangan sa halftime.
Lumobo ito sa 19 puntos, 49-30, sa kalagitnaan ng huling yugto pero nakabangon pa ang Slammers dala na rin ng pagkakatalsik sa laban ni Miller bunga ng magkasunod na technical fouls sa sobrang pagrereklamo sa itinawag na foul laban sa kanya.
Binigyan ng anim na freethrows ang Slammers at apat ang kanilang naipasok upang dumikit sa 59-55.
Pero ito na ang huling hirit ng host dahil bumanat ng magkasunod na tres sina Wainwright at Fernandez upang trangkuhan ang 10-3 palitan at iangat sa 11 ang bentahe, 69-58.
May 11 puntos si Wainwright kasama ang tatlong tres, habang si Johnson pa rin ang bumandera sa kanyang 15 puntos.
- Latest
- Trending