MANILA, Philippines - Sa pang limang pagkakataon ay muling napasakamay ni Niño ‘KG’ Canaleta ng Barangay Ginebra ang Slam Dunk trophy.
Ang dalawang perfect dunks na may iskor na 50 points sa Finals ang naging susi sa 100-99 panalo ni Canaleta laban kay JC Intal ng B-Meg sa 2012 PBA Slam Dunk Competition kahapon sa Laoag City.
Ang huling dunk ng 6-foot-4 na si Canaleta ay ang paglundag niya sa tatlong tao, kasama dito si 6’9 Asi Taulava ng Meralco.
Nagkampeon sa PBA Slam Dunk Competition ang dating Red Warrior ng University of the East noong 2005, 2006, 2007 at 2010.
Isang tao ang tinalunan ni Canaleta sa kanyang unang dunk sa Finals.
Gumawa naman ang 6’4 na si Intal ng isang Michael Jordan na windmill dunk mula sa kaliwang bahagi ng baseline para sa kanyang 50 points.
Ngunit ang kanyang one-handed 360-degree dunk ay binigyan ng mga judges ng 49 points.
Tumapos sa ikatlong puwesto si Gabe Norwood ng Rain or Shine mula sa kanyang 93 points sa Finals (45-48).
Hindi naidepensa ni Kelly Williams ang kanyang korona nang hindi payagan ng Talk ‘N Text.