Viloria umiskor ng TKO win kay Romero
MANILA, Philippines - Makakatulog na ngayon ng mahimbing si world flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria na walang anumang bumabagabag sa kanyang isipan.
Umiskor si Viloria ng isang ninth-round technical knockout (TKO) win laban kay Mexican challenger Omar Niño Romero sa kanilang pangatlong pagkikita kahapon sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
“I finally got the monkey off my back,” sambit ng 31-anyos na si Viloria sa kanyang panalo sa 35-anyos na si Romero.
Ang Mexican fighter ang kumuha sa dating bitbit na World Boxing Council (WBC) light flyweight belt ni Viloria noong Agosto ng 2006.
Napasakamay muli ni Viloria ang korona nang bawiin ito ng WBC kay Romero nang maging positibo sa paggamit ng banned substance sa kanilang rematch noong Nobyembre ng 2006 na nauwi sa draw.
“When I look back at all the things I’ve gone through these past few years all this happened because I put in all the work,” ani Viloria. “Without all the hard work, the times we woke up at 4:00 a.m. to hit the mountains, without all of that this wouldn’t happen.”
Napanatiling hawak ni Viloria ang kanyang World Boxing Organization (WBO) flyweight crown sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Kumonekta si Viloria ng isang right straight na nagpauga kay Romero sa round nine kasunod ang pagpapaulan ng mga suntok ng Fil-Am boxer.
Kasabay ng pagpapahinto ni referee Michael Ortega sa laban sa 2:09 ay umakyat sa boxing ring ang cornerman ni Romero para ipatigil ang pambubugbog ni Villoria kay Romero.
May 31-3-0 win-loss-draw ring record ngayon si Viloria kasama ang 18 KOs kumpara sa 30-5-2 (12 KOs) card ni Romero.
Ilang straight punches ang kaagad na ibinigay ni Viloria kay Romero hanggang sa second round.
Mula sa kanyang right cross ay napadugo ni Viloria ang kaliwang kilay ni Romero sa fifth round.
Sa undercard, binigo naman ni dating world titlist Rodel Mayol (31-5-2, 22 KOs) si dating world champion Julio Cesar Miranda (37-7-1, 29 KOs) via unanimous decision sa kanilang 10-round, non-title bout.
Pinayukod ni Viloria si Miranda para sa bakanteng WBO flyweight crown sa pamamagitan ng isang unanimous decision win noong Hulyo 16, 2011.
- Latest
- Trending