Talk N Text out sa PBA All-Star Game
MANILA, Philippines - Hindi pinasali ng Talk 'N Text sina Kelly Williams, Jimmy Alapag, Ranidel de Ocampo, Larry Fonacier, Jason Castro at Japeth Aguilar sa mga events ng 2012 PBA All-Star weekend sa Laoag City, Ilocos Norte.
Ang naturang aksyon ay sinasabing isang paraan ng pagpo-protesta ng Tropang Texters sa nangyari sa Game Seven sa kanilang best-of-seven championship series ng B-Meg Llamados para sa 2012 PBA Commissioner's Cup.
Ngunit pinabulaanan naman ito kaagad ni Talk 'N Text top official Ricky Vargas.
Sinabi ni Vargas na masyado nang pagod ang katawan ng naturang mga Tropang Texters at hindi na nila mapapayagan pa itong lumala lalo na at malapit na ang 2012 PBA Governor’s Cup na nakatakda sa Mayo 20.
Bukod kina Williams, Alapag, De Ocampo, Fonacier, Castro at Aguilar, hindi rin pinayagan ng Talk 'N Text na makisaya si assitant coach Bong Ravena na kasama sa Legends Game.
Ang 6-foot-8 na si Aguilar sana ang posibleng magbigay ng magandang laban kay four-time Slam Dunk champion Niño 'KG' Canaleta ng Barangay Ginebra bukod pa sa kanyang paglalaro sa RSJs (Rookies-Sophomores-Juniors) sa All-Star Game.
Ang 6'5 namang si Williams ang dapat sana ay magdedepensa ng kanyang korona sa Slam Dunk Competition.
Samantala, nakatakda namang labanan ng Team Greats nina Danny Ildefonso, Canaleta, Danny Seigle, Joseph Yeo, Mike Cortez, Sol Mercado at Willie Miller ang Stalwarts nina Asi Taulava, Sean Anthony, PJ Simon, Macmac Cardona, Cyrus Baguio at Jeff Chan ngayong alas-7 ng gabi.
Tangka naman nina Mark Macapagal at Jonas Villanueva ang kanilang “three-peat” sa pagsabak sa Three-Point Shootout at Obstacle Challenge, ayon sa pagkakasunod.
Ilan sa mga hahamon kay Macapagal para sa three-point challenge ay sina scoring leader Gary David, Jeff Chan at mga dating nagharing sina James Yap at Renren Ritualo.
Sa Obstacle Challenge naman makakatapat ni Villanueva sina Jayvee Casio, Paul Lee, Chris Ross, Alex Cabagnot, LA Tenorio, Miller, Jojo Duncil at Rob Labagala.
- Latest
- Trending