Marquez pabor kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Bagamat dismayado sa kanyang naging pagkatalo kay Manny Pacquiao sa kanilang ikatlong paghaharap noong Nobyembre 12, 2011, naniniwala pa rin si Juan Manuel Marquez na tatalunin ng Filipino boxing superstar si Timothy Bradley, Jr.
Ito, ayon kay Marquez, ay dahil sa taglay na bilis at lakas ni Pacquiao.
“Tim Bradley will be a tough fight for Pacquiao, but Manny is the better fighter,” sabi ng 38-anyos na si Marquez sa 33-anyos na Filipino world eight-division champion. “Bradley is very physical but Manny will win.”
Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown kontra sa 28-anyos na si Bradley sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sakaling manalo si Pacquiao kay Bradley, umaasa si Marquez na maitatakda ang kanilang pang apat na paghaharap ni ‘Pacman’.
Para paghandaan si Pacquiao, gusto ni Marquez, ang kasalukuyang world lightweight titlist, na makasagupa ng isang southpaw (kaliwete) na kagaya ng Sarangani Congressman.
“If Manny wants to fight with me again, I need another southpaw with Pacquiao’s style. I need a southpaw,” sabi ng Mexican na tinalo ni Pacquiao via majority decision sa kanilang pangatlong pagtatagpo noong Nobyembre 2011.
Magbabalik si Marquez sa boxing ring sa Hulyo 14 sa Dallas Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Samantala, hinihintay pa rin ni Pacquiao ang kanyang bagong strength and conditioning coach na makarating sa L.A. kahit nagpakita na sa unang araw ng pagsasanay sa Wild Card Gym ang kanyang dating coach na si Alex Ariza.
Hindi nakaalis ang pumalit kay Ariza na si Marvin Somodio patungong Amerika noong Lunes matapos na hindi binigyan ng US Embassy sa Maynila ng visa.
Sa halip na working visa, tourist visa ang inaplayan ni Somodio dahil na rin sa suhestiyon ng staff ni Pacman na si Ryan Ursua. (Nina RCadayona/RMPangilinan)
- Latest
- Trending