MANILA, Philippines - Handang-handa na si world flyweight champion Brian 'The Hawaiian Punch' Viloria na muling makaharap si Omar Niño Romero ng Mexico sa pangatlong pagkakataon matapos noong 2006.
“I trained really hard for this fight. We've put in the hours, put in all the things that we have to put. We have prepared ourselves for this fight,” sabi kahapon ni Viloria sa kanyang pagsagupa kay Romero sa Linggo sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakatakdang idepensa ni Viloria ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) flyweight crown laban kay Romero.
Si Romero ang umagaw sa dating bitbit na World Boxing Council (WBC) light flyweight title ni Viloria noong Agosto ng 2006.
Ngunit muling napasakamay ng 31-anyos na Fil-Am ang nasabing korona nang bawiin ito ng WBC kay Romero nang maging positibo sa paggamit ng banned substance sa kanilang rematch noong Nobyembre ng 2006.
Dala ni Viloria ang kanyang 30-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs kumpara sa 30-4-2 (12 KOs) slate ng 35-anyos na si Romero.
Tampok naman undercard ng Viloria-Romero III ang 10-round, non-title fight nina dating world champions Julio Cesar Miranda (37-6-1, 29 KOs) at Rodel Mayol (30-5-2, 22 KOs).