TASHKENT, Uzbekistan--Isang kabiguan sa kanilang team captain at tatlong panalo mula sa mga bagitong boksingero ang nangyari sa kampanya ng PLDT-ABAP Boxing Team sa ikalawang araw ng Sydney Jackson Memorial Tournament dito sa Universal Sports Complex.
Matapos umiskor ng panalo kamakalawa, natalo naman si team captain Charly Suarez kay Faziddin Gaibnazarov, isang Uzbekistan qualifier sa 2012 London Olympics, sa iskor na 16-21.
Inangkin ni Gaibnazarov ang first round, 6-4, at ang second round, 14-13, para sa kanyang tagumpay.
“We thought Charly won it and it was a much closer fight than the score indicated. But Charly needs to make some adjustments. The new scoring system allows for points even for punches delivered with 60-70% force. Charly lands bombs and he staggered his opponent a couple of times. But they counted for only a point each. You need to throw more punches now,” ani ABAP executive director Ed Picson.
Ibinangon naman ng tatlong bagitong boksingero ang laban ng koponan matapos magposte ng magkakahiwalay na tagumpay.
Dinaig ni London Olympics-bound Mark Anthony Barriga si Temitas Jusupov ng Kazakhstan, 11-8, para sa kanyang unang panalo sa kabila ng tinamong siko sa kanyang dibdib sa second round.
Tinumbasan naman ito ni 2011 AIBA World Junior Champion Eumir Felix Marcial matapos gibain si Shaboz Muhammadov, 14-13.
Nakuha ng 16-anyos na tubong Zamboanga City ang first round, 7-5, bago nakatabla si Muhhamadov sa second round, 9-9.
Ngunit naging mas determinado si Marcial sa third round patungo sa kanyang panalo at makakasagupa naman niya si Babur Aytbaev sa Miyerkules.
Tinalo naman ng 16-anyos ring si Ian Clark Bautista si Ilhom Ivonov ng Uzbekistan, 16-13, para sa pangatlong panalo ng koponan sa torneo.