Gotuaco pumana ng 4 gold
LINGAYEN, Pangasinan--Nagpasiklab ang archer na si Bianca Gotuaco ng National Capital Region matapos pumana ng apat na gintong medalya at tanghaling best performers sa kabila ng patuloy na paggiba sa mga records sa swimming at archery sa Palarong Pambansa na idinaos sa magkahiwalay na venue--dito at sa kalapit na Dagupan City.
Matapos lumangoy ang pambato ng NCR na si Axel Toniu Ngui ng gold sa 400m freestyle at 100m backstroke sa Day One, muli itong sumisid ng kanyang ikatlong gold sa 100m freestyle event sa secondary boys.
Bumandera naman ang 14-anyos na si Gotuaco sa 30-meter, 50m, 60m at single fita round para sa secondary girls event at tanghaling kauna-unahang quadruple gold medal winner sa isang linggong tournament at nagkaroon pa ito ng tsansa na maging lima ang ginto, ngunit tumapos lamang siya ng ikaapat na puwesto sa 40m na pinangunahan ni Janice Cababan ng Northern Mindanao.
Humahabol si Karl Kristian Mari matapos tumarget ng ginto sa 30m, 40m at 50m sa secondary boys event.
Nagposte ang 14-anyos na si Mari, tubong Dumaguete City ng 333 sa 30m, 324 sa 40 at 313 sa 50m na bumura sa dating 331, 311, 300 record na naiposte ni Julius Victori Cootuaco ng Bicol at Julian Sebastian Teves ng central Visayas, ayon sa pagkakasunod na idinaos sa Dapitan, Zamboanga del Norte noong nakaraang taon.
Sumisid naman ng bagong marka ang pamabato ng Calabarzon na si Jose Mari Arcilla ng magsumite ng dalawang minuto at 25.86 segundo sa 200m individual medley sa elementary boys na tumabon sa pitong taong record na 2:26.75 na naisumite ng isa pang taga-Calabarzon tanker na si Banjo Borja sa Iloilo City.
Ang iba pang nanalo sa swimming event ay sina Eastern Visayas’ Christian Salud (elementary 50m breaststroke), NCR’s Raissa Gavino (elementary 50m breast), NCR’s Alberto Batungbacal (secondary 200m breast), NCR’s Kris Bartolome (secondary 200m breast), at NCR’s Regine Castrillo (elementary 200m individual medley).
- Latest
- Trending