MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang araw na pahinga pagdating sa Los Angeles, California noong Sabado, sisimulan na ng People’s Champ ang pinakamahalaga at pinakamahirap na yugto ng pagsasanay sa Wild Card Gym para sa kanyang laban sa Hunyo 9 kay Timothy Bradley.
Sinabi ni chief trainer Freddie Roach na ang pagsasanay sa LA ay mas mahirap, mula 7 rounds ng sparring sa Baguio ay magiging 8 hanggang 9 rounds na ito at maaari pang tumagal hanggang 12 rounds.
Bukod sa Russong sparmate na si Ruslan Provodnikov na kasama na niya mula sa Baguio, magdaragdag pa si Roach ng dalawa pang sparring partners, sa katauhan nina--147-pound Wally Amatoso at isa pang 140-pound na boksingero na hindi maalala ni Roach ang pangalan.
Ayon kay Roach, matagal nang kumakatok sa pinto ni Manny ang boksingerong ito kaya binigyan nila ng pagkakataon.
Ang iskedyul ng pagsasanay ay kinabibilangan ng pagpapawis niya sa mitts, heavy bags, double end ball at speed ball at magtatapos sa routine skipping rope.
Kahit pa sa tingin ng Hall of Famer ay hindi naman gaanong nakaapekto kay Manny ang Bible-preaching sa Baguio training, umaasa siyang mababawasan na ito sa LA.
“Wala naman akong problema doon. Sana lang hindi na ito tumagal hanggang madaling-araw tulad ng ginagawa nila sa Maynila,” ani Roach, at idinagdag pang kasama sa paghahanda para sa laban ang pagkakaroon ng mahabang pahinga.
Umaasa si Roach na maiintindihan ng mga nagsasagawa ng Bible activities ang pagiging istrikto niya sa kanilang ginagawang pagsasanay ng Pambansang Kamao.