MANILA, Philippines - Susulong na sa ika-16 ng Mayo ang pinakahihintay na 9th Dr. Jose P. Leviste, Sr. Chess Festival na gaganapin sa Grade School Cafeteria ng Ateneo de Manila University sa Katipunan, Quezon City.
Ang non-master tournament na ito ay para sa estudyante sa elementary, high school at college. May nakataya ring cash prize at tropeo para sa top six finishers sa college, high school at grade school divisions kung saan ang mga division champions ay mag-uuwi ng P 5,000 (college), P4,000 (high school) at P3,000 (elementary).
May espesyal na premyo rin para sa Top Under-6, Top Under-8, Top Under-10, at sa Top Female players sa bawat kategorya.
Ang aktibidad ay isasagawa bilang pagkilala sa naitulong ni Ateneo alumnus Dr. Jose P. Leviste Sr. (HS ’33, AA ’35), ama ni Jose P. Leviste Jr. (GS ‘57, HS ‘61, AB ‘65) at Mario P. Leviste (GS ’69, HS ’73), at lolo ni Jose D. Leviste III (AB 2001) at Maria Therese D. Leviste (AB 2000).
Ito ay suportado ng Ateneo De Manila High School Class ’61, Philippine Military Sambisig Class ’91, Pilipinas SIFE (Students in Free Enterprise), at Philippine Spanish Business Council (PSBC), na iniendorso din ni Richard Palou, University Athletics Director ng Ateneo.