MANILA, Philippines - Tinanghal na kampeon si Filipino cue artist Dennis ‘Robocop’ Orcollo sa katatapos na 3rd Annual Hard Times 10-Ball Open na idinaos sa Hard Times Billiards sa Bellflower, California, USA nitong Linggo.
Ito’y matapos na hiyain ni Orcollo ang kalabang si Shane ‘The South Dakota Kid’ Van Boening ng Amerika sa iskor na 11-3 sa finals.
Umahon ang tubong Bislig, Surigao del Sur sa winner’s bracket, race-to-eleven format.
Bunga ng panalo, naibulsa ni Orcollo ang kabuuang $8,000.
“I got my confidence after winning against Max (Eberle),” ani Orcollo, tinalo si Max Eberle ng USA, 9-2, sa kanilang semis matches.
Ito ang first major title sa taong ito ni Orcollo matapos makopo ang gold medal sa nakaraang Southeast Asian Games sa Indonesia.
Ang susunod na torneo ni Orcollo ay ang nalalapit na US Open 10-Ball Challenge sa Las Vegas, Nevada sa Mayo 10. Makakasama ni Orcollo sa pagbabandera ng Pilipinas sa Las Vegas 10-ball challenge ay sina Francisco "Django" Bustamante, Jose "Amang" Parica, Santos Sambajon, Ramon Mistica at Danny Petralba.