NCR gymnasts nanalasa agad
LINGAYEN, Pangasinan, Philippines --Nagparamdam na ang nagdedepensang kampeon na National Capital Region (NCR) nang dominahin ang gymnastics sa pagbubukas ng hostilidad ng Palarong Pambansa na nilalaro sa Narciso Ramos Sports and Civic Center dito kahapon.
Si Martoni Carlos Edriel Yulo ang nagdomina sa individual all-around event sa 26.90 puntos at nakipagtulungan sa mga kakamping sina Jan Gwynn Timbang at Christopher Villanueva upang kunin din ang ginto sa team event sa 79.10 puntos.
Ang mga nakababatang gymnasts na sina Carlos Yulo, John Paul Lawrence Cabido at John Ivan Cruz ay winalis din ang mga medalya sa elementary boy’s gymnastics para pawiin ng NCR ang di magandang laban sa athletics na dinodomina ng mga manlalaro mula Western Visayas.
Nakasingit naman ang Calabarzon sa track events nang ibigay ni John Miguel Lanuza ang ginto sa lara-ngan ng secondary boy’s triple jump sa 13.84 meters.
Samantala, kinilala ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang papel na ginagampanan ng Palarong Pambansa sa paghubog ng mga kabataan sa larangan ng palakasan.
Sa kauna-unahang pagkakataon sapul nang naupo bilang Pangulo ng bansa tatlong taon na ang nakakalipas ay nagkaroon ng oras ang Pangulong Aquino na makadalo sa pagbubukas ng Palaro.
Binanggit ni Aquino ang mga atletang tiningala na nagmula sa Palaro na siyang mga dapat na tularan ng mga batang manlalaro na nagtatagisan sa Palaro.
“Mahigit na anim na dekada na ang Palarong Pambansa at ito ang nagsisilbing daan para sa pagtuklas sa kabataang Pilipino na makapaghatid ng karangalan sa pandaigdigang entablado,” wika ni Aquino.
Idinagdag din nito na kumpleto na ang plano para sa paghubog ng isang mahusay na atletang Pilipino at kanyang itinuro ang isinusulong na road map ng Philippine Sports Commission (PSC) na tututok sa ilang sports na bibigyan din ng malawakang suporta ng ahensya ng pamahalaan na gumagabay sa palakasan ng bansa.
“Halos dalawang daan milyon o 33% mula sa annual remittance sa National Sports Development Fund ang ilalaan para sa pagpapaunlad sa mga sports,” dagdag pa ni P-Noy.
- Latest
- Trending