Patriots ibinalik ni Johnson sa porma
MANILA, Philippines - Hindi napigil si Anthony Johnson sa huling yugto at ang AirAsia Philippine Patriots ay umukit ng 90-84 come-from-behind panalo laban sa Jobstreet.com Singapore Slingers sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nalimitahan lamang sa anim na puntos sa unang tatlong yugto, ang 6’6 na si Johnson ay nagpasabog ng 20 puntos sa huling 10 minuto ng labanan upang pangunahan ang 37-22 palitan sa huling yugto na nagbangon sa Patriots mula sa 53-62 iskor matapos ang tatlong yugto.
May 9 rebounds, dalawang 3-point play at isang tres ang bintiwan ni Johnson para bigyan ang Patriots ng 81-69 lamang.
Nakapanakot pa ang Slingers nang mapababa ito sa tatlong puntos, 87-84, sa apat na sunod na puntos ni Louie Graham, may 35 segundo sa orasan.
Natawagan ng 5-seconds violation si Al Vergara pero sinayang ito ng Slingers dahil sablay ang hook shot ni Kyle Jeffers.
Si Nakiea Miller na tumapos ng 20 puntos at 11 rebounds ay nagtala ng split bago nagsisablay sina Don Dulay at Graham .
Tinapos ni Johnson ang iskoring sa dalawang free throws at ang Patriots ay naiangat ang karta sa 15-5 baraha.
May 30 puntos, 15 rebounds at 3 blocks si Jeffers pero 25 rito ay ginawa niya sa first half na kung saan lumayo ng hanggang 15 puntos, 44-29, ang Slingers.
Ang final placing na lamang sa third at fourth sa pagitan ng Westports Malaysia Dragons at Indonesia Warriors ang hinihintay dahil ang San Miguel Beermen (16-4) at Patriots na ang nasa unang dalawang puwesto.
- Latest
- Trending