MANILA, Philippines – May 5 kills tungo sa 31 hits si Dindin Santiago upang tulungan ang National University na angkinin ang 20-25, 25-21, 25-17, 25-17, panalo laban sa Southwestern University sa pagpapatuloy ng 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Lumabas ang lakas ng Lady Bulldogs nang kunin ang 50 kills laban sa 33 lamang ng Lady Cobras upang manatiling palaban sa puwesto sa quarterfinals sa unang panalo matapos ang tatlong laro.
Bumalik naman ang tikas ng laro ng University of St. La Salle Bacolod sa deciding fifth set upang pabagsakin ang palabang Letran, 25-17, 25-19, 23-25, 14-25, 15-10, sa ikalawang laro.
Unang panalo sa dalawang laro ito ng Lady Stingers na sinandalan ang husay ni Jov Gonzaga sa huling set para ipalasap ang ikatlong kabiguan ng Lady Knights.
Angat ang Letran sa 3-0 pero bumangon ang bisitang koponan at itinabla ang laban sa 7-all.
Mula rito ay si Gonzaga na ang nagdomina nang magpakawala ng dalawang kills at isang service ace para pawiin ang pagkawala sa focus ng koponan sa third at fourth sets na dinomina ng Lady Knights.
“Nagkaroon sila ng confidence bago ang laro pero nalaman nilang hindi basta-basta patatalo ang kalaban nang manalo sila sa first set,” wika ni NU coach Francis Vicente.
Nagsanib sa 31-hit sina Maricar Nepomuceno, Rizza Mandapat at Myla Pablo para suportahan si Santiago habang si Ivy Perez ay may 30 excellent sets para pamunuan ang pagdiskarte sa opensa ng NU.
Si Danika Gendrauli ay may 13 hits habang 10 pa ang ibinigay ni Anne Pido para pamunuan ang SWU na nalaglag sa ikalawang sunod na pagkatalo upang malagay sa huling puwesto sa Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.