MANILA, Philippines – Nakatakdang bumaba kagabi sa Maynila si Manny Pacquiao matapos ang halos tatlong linggong pagsasanay sa Baguio City kasama si trainer Freddie Roach.
Sa kanyang pagbabalik sa Maynila, muling mag-eensayo ang Filipino world eight-division champion sa kanyang MP Gym sa Sampaloc kung saan niya muling inaasahang makakasabayan si Russian light welterweight Ruslan Provodnikov.
Dalawang beses nakipag-sparring ang World Boxing Organization (WBO) welterweight titlist kay Provodnikov sa Shape-up Gym kung saan nakatikim ang Russian ng bukol sa ilalim ng kanyang kanang mata noong nakaraang Biyernes.
Isang sugat naman sa ilalim ng kanyang kaliwang mata ang natikman ng 5-foot-6 na si Provodnikov sa kanilang ikalawang araw ng sparring session ni Pacquiao noong Sabado.
“Tamang-tama lang siya,” sabi ni Pacquiao sa 28-anyos na si Provodnikov na gumagaya sa istilo ni Timothy Bradley, Jr. “Parang si Bradley din kung kumilos pati ‘yung suntok niya.”
Bukod kay Provodnikov, isa pang Russian ang tumatayong sparmate ni Pacquiao.
Si Rustam Nugaev, nagsisilbi ring interpreter ni Provodnikov, ay nakasama ng Sarangani Congressman sa sparring sa kanyang paghahanda laban kay Mexican boxing legend Erik Morales noong 2006 at maging kay Oscar Larios.
Napadugo naman ni Pacquiao ang ilong ni Nugaev sa isa sa kanilang sparring sessions.