MANILA, Philippines - Nakatakdang sagupain ni ALA Boxing Gym stalwart Milan Melindo si dating world champion Jesus Geles ng Colombia para sa bakanteng WBO International flyweight crown sa undercard ng Pinoy Pride XIV sa Hunyo 2 sa Resorts World Hotel and Casino sa Maynila.
Ang Melindo-Geles showdown ang magsisilbing supporting bout ng pagdedepensa ni Donnie Nietes sa kanyang suot na WBO light flyweight title kontra kay Mexican Felipe Salguero.
Tangan ang malinis na 26-0 record, kasama dito ang 10 knockouts, ang 24-anyos na si Melindo ang kasalukuyang WBO Intercontinental 112-pound titlist.
Sa kanyang huling laban, umiskor ang pambato ng Cagayan de Oro City ng isang seventh-round stoppage laban kay Juan Esquer ng Mexico noong Enero 28 sa Waterfront Cebu City Hotel and Casino.
Dala naman ni Geles ang 13-2 (5 KOs) record at dating humawak sa interim WBO light flyweight belt matapos talunin si Omar Soto via majority decision noong Oktubre 30, 2010 sa Cartagena, Colombia.
Nabigo si Geles na makamit ang regular na WBO crown nang mapabagsak sa fourth round ni Mexican Ramon Garcia Hirales noong 2011 sa Mexico City.
Si Hirales naman ang inagawan ng titulo ni Nietes noong Oktubre sa Bacolod City.
Itataya ni Nietes ang naturang korona kontra kay Salguero (16-2-1, 11 KOs), No. 7 sa WBO list at sumasakay sa isang 14-fight winning streak.