Pananalasa ng Steel Masters pinigil ng Gems
MANILA, Philippines - Gumawa ng 26 puntos at 12 rebounds si Vic Manuel habang may 23 pa si Lester Alvarez kasama ang limang tres, para pangunahan ang Cebuana Lhuillier sa 100-86 panalo laban sa RnW Pacific Pipes sa idinaos na PBA D-League Foundation Cup kahapon sa San Juan Gym.
Sina Jeckster Apinan at Chris Exciminiano ay naghatid pa ng tig-10 puntos upang kakitaan ng balanseng pag-atake ang Gems para ibigay kay coach Beaujing Acot ang ikalawang sunod na panalo sa tatlong laro bilang head coach tungo sa 5-2 karta.
Sa ikalawang yugto gumana ang Gems nang limitahan ang Pacific Pipes sa 4 of 24 shooting upang kunin ang naturang quarter, 23-13, at palawigin ang dalawang puntos bentahe sa first quarter tungo sa 56-44 bentahe sa halftime.
Hindi na nakasabay pa ang Steel Masters mula rito para makita ang apat na sunod na pagpapanalo na nagwakas na tungo sa 4-3 baraha.
Samantala, double-double na 17 puntos at 15 rebounds ang ginawa ni Keith Jensen para tulungan ang Big Chill na kunin ang 72-66 panalo sa Boracay Rum sa unang laro.
Walong puntos ni Jensen ay ginawa sa ikatlong yugto na inangkin ng Super Chargers, 21-12, upang hawakan ang 56-45 bentahe papasok sa huling yugto na nagtiyak din ng ikalawang dikit na panalo ng koponan at iangat ang karta sa 5-2.
Nalaglag ang Waves sa 2-4 karta at makasama ang Junior Powerade at Erase Plantcenta na nasa ikaanim hanggang walong puwesto sa standings.
- Latest
- Trending