Kahit walang suporta sa POC, PSL tuloy sa pagtuklas ng mahuhusay na swimmers
MANILA, Philippines - Hindi hihinto ang Philippine Swimming League (PSL) sa pagtulong sa pagtuklas ng mga talentadong manlalangoy kahit wala pa rin ang suporta ng Philippine Olympic Committee (POC) at ang kanilang kinikilalang National Sports Association na PASA.
Sa Mayo 19 at 20 sa Rizal Memorial Swimming Pool ay idaraos ang 2nd Nikki Coseteng Swimming Championships at tulad sa naunang edisyon ay buo ang paniniwala ng dating senadora na may mga sisibol uli na mga de-kalibreng swimmers na maaaring pakinabangan ng bansa sa hinaharap.
“We might not get the recognition from the POC and PASA but that doesn’t stop us from bringing honors to the country,” wika ni Coseteng.
Ang 2nd Coseteng Swimming Championships ay maisasagawa katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC) bukod pa sa Federation of Schools Sports Association of the Philippines (FESSAP).
Ang mga lalabas na may potensyal na manlalangoy ay hahasain pa upang maging panlaban ng Pilipinas sa World University Games.
Sa ngayon ay nagpadala ang PSL ng mga manlalangoy sa Hong Kong at nangunguna rito sina Kevin Claveria at Paula Cayanan na parehong nakaabot sa AAAA standard ng US base sa kalkulasyon ni Olympian Susan Papa.
Ang mga lalabas na mahuhusay na manlalaro sa palarong ito ay ilalaban sa mga nanalo sa unang torneo upang madetermina kung sino ang mas karapat-dapat na ipadala sa Universiade.
- Latest
- Trending