Petron Beach Volley hahataw ngayon
MANILA, Philippines - Ipakikita nina Jennifer Zarate at Cherry Nunag ng De La Salle University-Dasmariñas na taglay din nila ang galing na nakita sa mga dating koponan sa pagbubukas ngayon ng 2nd leg ng 2012 Petron Ladies Beach Volley Tournament sa Lingayen, Pangasinan.
Ang sand court ay inilagay sa harap ng Provincial Capitol at inaasahang dudumugin ng mga manonood ang dalawang araw na torneo na suportado rin ng Mikasa Balls, SPEEDO at pamahalaang lokal ng Pangasinan.
Ang palarong ito ay gagamitin bilang bahagi sa isineselebrang Pista’y Dayat na ginagawa upang ipagbunyi ang masaganang ani ng mga mangingisda.
“Malaking hamon sa amin ang sundan ang yapak ng mga naunang mga players na nagbigay ng karangalan sa aming paaralan. Gagawin namin ang lahat ng makakaya para maabot ang goal na ito,” wika ng 19-anyos na si Zarate.
Ang pinakamatingkad na La Salle-Dasma player ay si Jennifer Manzano, isang Pangasinense, na dinomina ang kompetisyon sa nasabing lugar tatlong taon na ang nakalipas kasama ni Satchel Senupe.
Kasali rin ang Rizal Technological University, College of St. Benilde, Perpetual Help-GMA, University of the East at Assumption habang may koponan din mula sa host Pangasinan at Baguio na magdaragdag-kulay sa kompetisyong inorganisa ni Tisha Abundo.
- Latest
- Trending