Puwestuhan Sa Huling Semis Slot
MANILA, Philippines - Iinit ang tagisan para sa ikalawa at huling para sa awtomatikong semifinals slot sa pagsabak sa aksyon ng tatlo sa apat na koponan na nasa ikalawang puwesto sa PBA D-League Foundation Cup ngayon sa San Juan Gym.
Unang sasalang ang Big Chill laban sa Boracay Rum sa ganap na alas-3 ng hapon bago saksihan ang mainit na tagpuan ng RnW Pacific Pipes at Cebuana Lhuillier dakong alas-5 ng hapon.
Ang Super Chargers, Steel Masters at Gems ay kasalo ng pahingang Blackwater Sports sa ikalawang puwesto tangan ang 4-2 karta kaya’t mahalaga ang resultang makukuha ng tatlong nauunang koponan para sa asam na pagkopo sa insentibong ibibigay sa mangungunang dalawang koponan.
Selyado na ng two-time defending champion NLEX Road Warriors ang isang semis seat dahil sa walang dungis na 6-0 baraha.
Galing sa 73-61 panalo laban sa Junior Powerade ang tropa ni coach Robert Sison at kailangan nilang maipakita ang winning form dahil ang Waves ay may ipinagmamalaking 2-game winning streak para manatiling palaban sa quarterfinals slot kahit nagkaroon ng 0-3 start.
Isa pang panalo para sa bataan ni coach Lawrence Chongson ang magpapatibay sa kapit nila sa mahalagang ikaanim na puwesto sa 10-koponang liga.
Sa format ng kompetisyon, ang apat na mangungulelat matapos ang single round robin ay mamamahinga na.
Tututukan din ang bakbakan sa tampok na labanan dahil ang mananalo ay mananatili sa ikalawang puwesto habang bababa sa ikatlo ang matatalo.
Di hamak na mas beteranong koponan ang Gems na humirit ng 101-84 panalo sa Blackwater Sports sa huling asignatura para makatikim din ng panalo matapos ang dalawang laro ang bagong upong headcoach Beaujing Acot.
Pero hindi dapat magkumpiyansa ang Gems dahil mainit ang Steel Masters matapos makapaglubid-lubid ng apat na sunod na panalo upang balewalain ang dalawang sunod na kabiguan sa kaagahan ng torneo.
“Ang maganda sa team ay gumaganda na ang takbo bawat laro,” wika ni RnW Pacific Pipes coach Alfredo Jarencio.
- Latest
- Trending