MANILA, Philippines - Hindi makapaniwala si NBA player Luc Longley sa mainit na suporta ng mga Filipino kung larong basketball ang pag-uusapan.
Dumating sa bansa noong Huwebes ang 7’2 dating starting center ng Chicago Bulls nang makatatlong sunod na NBA titles (1996-1998) at gulat siya sa mainit na pagsalubong na ibinigay sa kanya ng mga Pinoy.
“I really had no idea how passionate people here are. In Australia where I live, not one say hello and knows who I am. I step out of the plane Thursday and the security guard said hello Luc. So I knew I was in the right place,” wika ng 43-anyos na si Longley, naglaro sa Phoenix Suns at New York Knicks at nagkaroon ng career NBA averages na 7.2 puntos, 4.9 rebounds at 1 block sa 10 taong paglalaro sa liga, nang naging panauhin sa paglulunsad ng NBA.com Philippines sa SMX Convention Center sa Pasay City noong Biyernes ng gabi.
Inimbitahan sa bansa si Longley upang makasama sa pagtatapos ng 2012 Junior NBA Program na kung saan ibabahagi niya sa mga kabataang kasali sa programa ang kanyang naging karanasan habang naglalaro at aakto rin bilang assistant coach.
Habang nasa bansa ay pangungunahan din ni Longley ang pagbisita sa mga mahihirap sa Cagayan de Oro at Manila gamit ang NBA Cares.
Sa Mayo 3 at 4 ay nasa UP Gym si Longley para sa National Training Camp habang sa Mayo 5 ay nasa MOA Music Hall sa gaganaping National Training Camp selection na kung saan hihirangin ang 10 pinakamahuhusay na batang manlalaro na nasilayan sa edisyong ito.