LINGAYEN, Pangasinan, Philippines --Gumasta na ng mahigit P50 milyon ang Lingayen sa billeting upang matiyak na magiging kumportable ang tinatayang 8,500 atleta at opisyales na lalahok sa 2012 Palarong Pambansa na bubuksan sa Mayo 7 sa Narciso Ramos Sports and Civic Center.
Ayon kay provincial administrator Rafael Baraan sa pulong pambalitaan kahapon sa Capitol Resort Hotel sa Lingayen, ang halagang ito ay ginasta sa renobasyon ng mga palikuran at pagtiyak na may sapat na daloy ng tubig ang lahat ng hihimpilan ng 17 rehiyon.
“Nagkakagastos din kami sa pagkain dahil isa sa ipinangako namin ay ang magbigay ng isang sakong bigas, bangus at iba pang mauulam sa 17 delegasyon. Bibigyan din namin ng libreng masasakyan ang mga atleta na mangangailangan na magbarko para makarating rito,” wika ni Baraan.
Hindi pa rito kasama ang gastos sa pagkumpuni sa ilang pasilidad na ayon sa opisyal ay nasa finishing touches na at handang-handa ng gamitin.
Ito ang ika-55th edisyon ng pinakamalaking school-bases para sa elementary at secondary level na sports competition sa bansa at ikalawang pagkakataon lamang ng Lingayen na tumayong host matapos ang 1995.
Nangunguna sa pagtiyak na magiging makasaysayan ang hosting ay si Governor Amado T. Espino na noong 1995 ay siyang Provincial Director ng PNP sa rehiyon at siyang chairman ng organizing committee.
Bukod sa magandang kompetisyon at paggamit ng hi-tech sa coverage, ang Palaro ay katatampukan din ng malawakang coverage gamit ang internet dahil may 18 channels na makikita sa website na www.palarongpambansang2012.com na tututok sa iba’t-ibang aksyon sa 17 sports na paglalabanan.
Ang mga larong masisilayan ay ang athletics, arnis, archery, baseball, badminton, basketball, boxing, chess, football, gymnastics, sepak takraw, sipa, softball, swimming, table tennis, tennis at volleyball.