Miller ibinangon ang Patriots

MANILA, Philippines - Naghatid si Nakiea Miller ng 17 puntos at 9 rebounds sa kanyang pagbabalik upang tulungan ang AirAsia Philippine Patriots na kunin ang 76-70 panalo sa Saigon Heat sa 3rd ASEAN Basketball League (ABL) noong Mi­yerkules sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Anim na puntos ang inilaglag ni Miller sa huling yugto na kung saan iniwan nila ang Heat sa 74-65 at wakasan ang dalawang dikit na pagkatalo ng Patriots.

“Halos 80 percent pa lang si Nakiea pero ang ma­ganda sa kanya ay alam na niya ang sistema namin,” wika ni Patriots coach Glen Capacio na may 14-4 baraha.

Isa pang tinuran ni Capacio na kanyang ikinasiya ay ang muling pagtutulungan ng lahat ng players.

Si Anthony Johnson ang muling nanguna sa Patriots sa kanyang 19 puntos pero si Al Vergara ay nag-ambag ng 11 mula sa bench, kasama ang tatlong tres sa se­cond half.

May 7 puntos si Francis Adriano habang 6 ang kay Al­drech Ramos at ang bench ng Patriots ay may 29-8 bentahe sa katunggali.

Si Jonathan Jones ay may 21 puntos at 12 rebounds habang si Jahmar Thorpe ay may 16 points at 10 boards pero ang mga imports na ito ay nagtambal sa 11 sa ka­buuang 20 turnovers ng Heat upang malaglag sa 6-11 karta.

Show comments