NSAs pinagpapaliwanag ni Garcia
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia ang kakayahan ng mga National Sports Association (NSAs) na magpadala ng mga atleta sa Olympic Games.
Sinabi ni Garcia na hindi nagkulang ang PSC sa pagbibigay ng tulong pinansyal para sa programa ng mga NSAs.
Hanggang ngayon ay tanging si amateur boxer Mark Anthony Barriga pa lamang ang opisyal na makakalahok para sa darating na 2012 Olympic Games sa London na nakatakda sa Hulyo 27 hanggang Agosto 12.
Maaaring umabot lamang sa anim ang national athletes na maipapadala ng PSC at Philippine Olympic Committee (POC) sa naturang quadrennial event.
Dalawang mandatory entry sa athletics at swimming at isa sa shooting ang inaasahang maipapadala ng bansa sa 2012 London Olympics.
Pipiliin kina shotgun shooters Brian del Rosario (skeet) at Hagen Topacio (trap), parehong nasa ilalim ng Olympic scholarship programs ng International Olympic Committee (IOC), ang mabibigyan ng wildcard slot.
Sa 2008 Olympics sa Beijing, China, kabuuang 15 national athletes ang naipadala ng bansa matapos maglahok ng 14 noong 2004 sa Athens, Greece.
- Latest
- Trending