Quezon mermaid best swimmers sa PRISAA
CEBU CITY, Philippines - Apat na gintong medalya ang nilangoy ni Jackelyn Orig para maging atletang may pinakamaraming gold medal sa PRISAA National Collegiate Games sa pagsasara ng swimming action sa Cebu City Sports Center dito.
Sinapawan ng 5-foot-2 pride ng Lucena, Quezon na si Orig si hometown ace Loren Dale Echavez matapos humakot ng kabuuang pitong gintong medalya.
Matapos angkinin ng 16-anyos na St. Anne College of Lucena freshman ang mga gold medals sa women’s 50-meter butterfly (31.16) at 200 individual medley (2:40.62) para sa bagong meet standards, muli siyang nagbida sa 4x100 medley relay (5:29.58) at 4x200 freestyle (10.15.4).
“Masaya po ako pero pagod sa dami ng events na sinalihan ko ngayon,” sabi ni Orig para sa pagkumpleto ng kanyang seven-for-seven events kasama na ang kanyang mga panalo sa 100, 200 butterfly at 400 IM.
Insentibong P7,000 din ang nakamit ni Orig, anak ng isang junk shop driver, kung saan ang bawat gold medal ay may katumbas na P1,000.
Hinirang naman si La Salle-Dasmariñas freshman Jerome Magallanes bilang best men’s swimmer makaraang idagdag ang mga ginto sa men’s 50-meter breaststroke (32.46) at 200 IM (2:28.99) para sa kabuuan niyang 5 gold medals bilang pambato ng Region 4-A.
Bagamat namahala ang CALABARZON sa swimming, ang Central Visayas (Region 7) naman ang patuloy na humahawak sa overall medal standings sa kanilang 48 golds, 15 silvers at 22 bronzes.
Sila ay sinundan ng Region 4-A (32-18-28), Western Visayas (Region 6) (26-24-21) at Southern Mindanao (Region XI) (6-27-27).
- Latest
- Trending