Suns sunog sa Jazz, pasok na sa playoff
SALT LAKE CITY--Inangkin ng Utah Jazz ang isang playoff berth sa Western Conference matapos payukurin ang Phoenix Suns, 100-88, na tinampukan ng 26 points ni Paul Millsap at isang sariling 8-0 ratsada ni Al Jefferson sa fourth quarter.
Maaari pang maibulsa ng Jazz ang No. 7 seed kung matatalo ang Denver Nuggets sa huling dalawang laro nito sa regular season.
Tumapos si Jefferson na may 18 points at 16 rebounds para sa Utah, winakasan ang kanilang seven-game losing slump laban sa Suns sapul noong Marso 2010.
Umiskor naman sina Jared Dudley at Michael Redd ng tig-15 points para sa Phoenix kasunod ang 12 ni Hakim Warrick.
Mula sa 85-80 bentahe kontra sa Suns, walong sunod na puntos ang ginawa ni Jefferson para selyuhan ang tagumpay ng Jazz.
Sa Atlanta, umiskor si Joe Johnson ng 28 points para igiya ang Atlanta Hawks sa 109-102 paggupo sa Los Angeles Clippers at palakasin ang kanilang pag-angkin sa home-court advantage sa first round ng playoffs.
Ang desperadong three-pointer ni Johnson bago ang pagtunog ng kanilang shot clock sa huling 38 segundo ng fourth quarter ang naging sandigan ng Hawks para kunin ang 103-96 bentahe laban sa Clippers.
Naglista naman si Blake Griffin ng season-high 36 points, habang may 34 points si Chris Paul para sa Clippers.
Maaaring makuha ng Hawks ang home-court advantage sa kanilang opening-round series ng Boston Celtics sa pamamagitan ng kanilang panalo sa regular-season finale laban sa Dallas Mavericks sa Huwebes.
Makukuha din nila ito sakaling yumukod ang Celtics kontra sa Milwaukee Bucks.
- Latest
- Trending