Tabla sa 1-1
MANILA, Philippines - Katulad ng sinabi ni coach Chot Reyes, kung hindi nila maipapasok ang kanilang mga freethrows ay mahihirapan silang manalo.
Isinalpak nina Ryan Reyes at Jimmy Alapag ang kanilang apat na freethrows sa huling 8.2 at 4.0 segundo, ayon sa pagkakasunod, para tulungan ang nagdedepensang Talk ‘N Text sa 104-102 tagumpay laban sa B-Meg sa Game Two at itabla ang kanilang championship series para sa 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Bumawi ang Tropang Texters buhat sa kanilang 82-88 kabiguan sa Llamados sa Game One noong Lunes kung saan sila naglista ng 16-for-36 shooting sa freethrow line para itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-seven titular showdown.
Nagposte ang Talk ‘N Text ng isang 14-point lead, 32-18, sa second period hanggang maagaw ng B-Meg ang unahan sa 93-88 sa 4:16 ng fourth quarter mula sa pang apat na three-point shot ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap.
Huling nahawakan ng Llamados ang lamang sa 99-94 sa 1:36 ng laro kasunod ang 6-0 atake ni Jayson Castro, tumapos na may 23 points, tampok ang 10-for-12 clip sa freethrow line, sa kabila ng sprained left ankle injury, para ibigay sa Tropang Texters ang 100-99 bentahe sa natitirang 35.7 segundo.
Ang minadaling jumper ni Yap at passing error ni import Denzel Bowles para sa B-Meg ang nagresulta sa dalawang freethrows ni Reyes upang ilayo ang Talk ‘N Text sa 102-99 sa huling 8.2 segundo.
Ganap na sinelyuhan ni Alapag ang panalo ng Tropang Texters nang isalpak ang dalawang freethrows sa nalalabing 4.0 segundo matapos ang split ni Bowles para sa Llamados.
Samantala, ibabalik ng Talk ‘N Text si Paul Harris, nagbigay sa kanila ng 2011 PBA Commissioner’s Cup crown, bilang kanilang reinforcement para sa 2012 PBA Governors Cup, gagamit ng mga imports na may taas na 6’5, na magsisimula sa Mayo 20.
Ipaparada naman ng B-Meg si Marqus Blakely, produkto ng University of Vermont at naghari sa 2010 State Farm College Slam Dunk Contest, na naglaro sa NBA--League para sa Sioux Falls Skyforce.
Si Jason Forte ay muling kinuha ng Alaska, mamandohan ni interim coach Luigi Trillo, habang hinugot ng Rain or Shine si Jamelle Cornley na kumampanya sa Ukraine, Argentina, Urguay at Israel.
Talk ‘N Text 104 - Harvey 29, Castro 23, Reyes 13, Peek 12, Williams 8, Dillinger 6, De Ocampo 6, Fonacier 4, Alapag 3, Gamalinda 0, Carey 0.
B-Meg 102 - Bowles 33, Yap 25, Urbiztondo 15, Simon 10, Pingris 9, Barroca 4, Devance 4, De Ocampo 2, Intal 0, Villanueva 0, Reavis 0.
Quarterscores: 24-16; 49-48; 73-75; 104-102.
- Latest
- Trending