MANILA, Philippines - Nakamit din ng San Miguel Beermen ang liderato sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) nang durugin ang Chang Thailand Slammers, 103-76, kahapon sa Thai Japanese Association Gym sa Bangkok, Thailand.
Umiskor ng hindi bababa sa 24 puntos ang Beermen sa bawat quarter at isinantabi ang mahinang panimula na kung saan napag-iwanan sila sa 6-17 sa unang bahagi ng first period patungo sa pagpoposte ng 14-4 record.
Si Nick Fazakas ay mayroong 22 puntos mula sa 10-of-18 fieldgoal shooting bukod pa ang dalawang tres, habang sina Chris Banchero at Leo Avenido ay may tig-15 puntos.
May 7 assists din si Banchero, samantalang sina Duke Crews at Benedict Fernandez ay may 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, at ang tropa ni coach Bobby Ray Parks Sr. ay may apat na dikit na panalo para sapawan ang AirAsia Philippine Patriots ng kahalating laro (13-4) para sa No. 1 seeding matapos ang triple round elimination.
May 20 puntos at 17 rebounds si Calvin Williams para sa nagdedepensang kampeon na Slammers, naglaro lamang na may 10 players dahil ang iba ay may military training, na may 5-13 marka.
Huling nakalayo ang Slammers sa 21-13 bago rumatsada ang Beermen ng isang 13-5 run para tapusin ang unang 10 minuto ng laro sa 26-all.