MANILA, Philippines - Tatlong beses pinahalik sa lona ni Randy Petalcurin si Smartlek Chaiyong-gym ng Thailand patungo sa isang 12-round unanimous decision win at mapanatiling hawak ang Pan-Asian Boxing Association (PABA) light flyweight title noong Sabado ng gabi sa Mandaluyong City gym.
Handog ng AKTV, kinontrol ni Petalcurin ang kabuuan ng laban para humugot ng 118-107 puntos kay judge Gil Robiego Co, 119-106 kay judge Ver Abainza at 116-109 kay judge Chalerm Prayadsab ng Thailand.
Sa sixth round ay nasaktan ni Chaiyong-gym si Petalcurin nang tamaan ng right straight ngunit bumawi ito at inararo ng suntok ang Thai upang mabilangan ng standing eight-count.
“Kinapos ako at nawalan na ng hangin pero nakarekober naman agad ako,” wika ng 20 anyos na tubong General Santos City na may 17-1-0 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 13 KOs.
Nalaglag ang Thai challenger sa ikaapat na kabiguan matapos ang 12 laban at ikalawa sa huling tatlong laban.
Bagamat hindi natulog sa kaagahan ng bakbakan, si Chaiyong-gym ay kulang naman sa bilis sa pagsuntok.
Sa iba pang laban, nauwi sa technical draw sa fourth round ang labanan nina Jhunriel Ramonal at Ariel Delgado para sa Philippine Boxing Federation (PBF) super bantamweight title.