PRISAA NC Games bubuksan ngayon

MANILA, Philippines - Magbubukas ngayon ang tagisan sa Private Schools Athletic Association (PRISAA) sa Cebu City Sports Complex na puno ng pag-asang makakatuklas ng mga bago at mahuhusay na manlalaro na mapapakinabangan ng bansa.

Si PRISAA National Chairman Emmanuel Y. Ange­les ang mangunguna sa pagbubukas kasama ang mga opisyales ng pamahalaang local sa pangunguna nina Cebu Governor Gwendolyn F. Garccia at Mayor Michael M. Rama.

Si PRISAA National Pre­sident Rev. Fr. Vicente Uy, SVC, ang magbibigay ng opening remarks habang ang magpapakilala sa mga kalahok sa taong ito ay si secretary general Laureano S. Santos.

Si Executive Director Elbert C. Atilano Sr. ang mag­hahatid ng Oat of Sportsmanship habang si Angeles ang magdedeklarang bukas na ang palaro.

Kasabay ng pagbubukas ay idaraos din ng PRISAA ang 1st Annual General Assembly sa alas-7 ng gabi sa Summit Circle Cebu.

Tampok sa Assembly ay ang pagbibigay ng awards sa mga taong hindi tumigil sa pagsuporta sa PRISAA mula nang binuhay uli ito noong 1990.

Tinatayang nasa 5,000 atleta, opisyales at coach mula sa 17 rehiyon ang mag­lalaban-laban sa 18 sports hanggang Abril 28.

Isa rin sa paglalabanan na hindi sports event ay ang Mutya ng PRISAA at Vocal Solo at Duet Competition na gagawin sa USC South Cultural Center sa Abril 24.  

Show comments